Walang katapusan ang pagbaybay sa pagkatuto ng tao habang nabubuhay. Dakilang layunin ng Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan na ipaunawa sa inyo na lumalampas ang pagkatuto sa mga hangganan ng paaralan. Gayunpaman, magsisilbing sandata ang mga aralin at kasanayang matututuhan sa aklat na ito upang holistiko at mas matalas na unawain, suriin, at yakapin ang kabuoan ng inyong sarili bilang bahagi ng lipunang kinabibilangan. Sa pamamagitan ng mga aralin sa wika, kultura, at panitikan, inaasahang magiging epektibo at makabuluhan ang inyong pagpapahayag at pagsusuri sa mga tekstong naayon sa iba't ibang konteksto. Ang angkop at mapanuring gamit ng wika, kung dadagdagan pa ng malawak na kaalaman sa panitikang pumapaksa sa iba't ibang karanasan ay tiyak na makatutulong sa inyong patuloy na pagbaybay sa buhay.
Naglalaman ang Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan ng mga napapanahon at makabuluhang paksa sa wika, kultura, at lipunang Pilipino. Tatalakayin din ang iba't ibang genre ng panitikan gaya ng maikling kuwento, tula, talumpati, sanaysay, nobela, at panitkang popular upang mailapat ninyo ang komunikatibong kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, panonood, pagbasa, at pagsulat.
Sa hinaharap na pagtahak ninyo sa kaniya-kaniyang disiplina, inaasahang babaunin ninyo ang kaalamang nakuha sa mga asignaturang Filipino upang magpunyagi sa higit na malalim na pananaliksik sa mga napiling larangan tumutuon sa mga paksaing Pilipino gamit ang wikang Filipino. Maingat ninyong isagawa ito nang may pagsasaalang-alang at paggalang sa multikultural at multilingguwal na katangian ng lipunang Pilipino sa kontekstong global.
Disensyo ang aklat upang matiyak ang inyong spiral o palalim na pagkatuto at pagkakamit ng mga itinakdang layunin. Ang bawat yunit ay may komprehensibong pagpapaliwanag na inyong tatanawin sa bawat aralin. Binubuo ang bawat aralin ng sumusunod na mga elemento upang matiyak ang inyong sistematiko at integratibong pagkatuto.
- Teacher: Aaron Manuel