Walang katapusang ang pagbaybay sa pagkatuto ng tao habang nabubuhay. Dakilang layunin ng Baybayin: Paglalayag sa WIka at Panitikan na ipaunawa sa inyong lumalapas ang pagkatuto sa mga hangganan ng paaralan. Guyunpaman, magsisilbing sandata ang mga aralin at kasanayang matutuhan sa aklat na ito upang holistiko at mas matalas na unawain, suriin at yakapin ang kabuuan ng inyong sarili bilang bahagi ng lipunang kinabibilangan. Sa pamamagitan ng mga aralin sa wika, kultura, at panitikan, inaasahang magiging epektibo at makabuluhan ang inyong pagpapahayag at pagsusuri sa mga tekstong naayon sa iba't ibang konteksto. Ang angkop at mapanuring gamit ng wika, kung dadagdagan pa ng malawak na kaalaman sa panitikang pumapaksa sa iba't ibang karanasan ay tiyak na makatutulong sa inyong patuloy na pagbaybay sa buhay.
NAglalaman ang Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan ng mga napapanahon at makabuluhang paksa sa wika, kultura, at lipunang Pilipino. Tatalakayin din ang iba't ibang genre ng panitikan gaya ng maikling kuwento, tula, talumpati,sanaysay, nobela, at panitikang popular upang mailalapat ninyo ang komunikatibong kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, panonood, pagbasa, at pagsulat.
Sa hinaharap na pagtahak ninyo sa kani-kaniyang disiplina, inaasahang babaunin ninyo ang kaalaman nakuha sa mga asignaturang Filipino upang magpunyagi sa higit na malalalim na pananaliksik sa mga napiling larangan tumutuon sa mga paksaing Pilipino gamit ang wikang Filipino. Maingat ninyong isasagawa ito nang may pagsasaalang-alang sa multikultural at multilingguwal nakatangian ng lipunang Pilipino sa kontekstong global.
- Teacher: Aaron Manuel